Payong
Bata pa lamang noon
nang una kong madinig
Mga salita na tugma na galing sa aking bibig
Gusto ko ding maging ganon
Teka muna kaya ko ba
May maluwag na pantalon
Hiram ko sa aking ina
Taon na nobenta idos
Lagi akong nakakulong
Kahit sa silid aralan
Ako ay bulong ng bulong
Mataas na paaralan natapos kaya lumuwas
Tindahan sa may isetan
palagi lang nasa labas
Baka masilayan ang hari
kaso di ako pinalad
Kelan kaya mababawi mga taya ko na nilahad
Di uso ang bilangan
Basta kasa lang ng kasa
Kahit na mapag iwanan
Pilitin mong makapasa
Wag mong sisihin ang iba kung meron kang di naabot Kapag katabi ka nila huwag kang masyadong malikot
Kasi nga siksikan sa jeep
Sa biyahe ng pagkamakata
Madami nang napabilib
Dyan sa mga maling akala
Mabalik tayo sa kwento
Sumali ako sa radyo
masyadong daw ginanahan
Kaya hindi ako nanalo
Hanggang saking nakilala isa sa mga kilala akoy ipinakilala aking silang nakasama
Kaso isa’y umalis dalawa kaming natira
Medyo di nakatiis kaya kumuha pa ng iba
Mga napagkasunduan sa ere napag iwanan
Sabi ko pera lang yan sabi niya diyan ka nalang
Akala ko ayaw ko na
Tila ako’y nadala
Hinanap-hanap ko parin ang sumulat ng mga tula
Kaya sinubukan muli
hindi naging madali
Para bang lahat ng mga ginagawa’y puro mali
Tinatanong aking sarili
Tama bang aking pinili
Galon-galong pinainom
Pero di ka puwedeng umihi
Deka-dekadang laan
Sige para-paraan
Hanapin ang oo kahit na ikaw ay dinadaganan
Ng isang toniladang hinde
Pag nadapa bangon uli
Ipunin ang mga sukli
Pantayin lahat ng tupi
Ulitin mo nang ganito
Di naman nakakalito
Kung meron akong natutunan
Pakatandaan mo ito
O sige heto ang lapis
Isulat mo sa papel
Dapat di kulang o labis
Sabi ni Aristotle
Saluhin mo ang hinagis
Lundagin mo ang pader
Dapat gawin mo ng tama kung gusto mong pumapel
May mga panalo na talo
May mga talong panalo
Piliing mabuti
Kung pano ka maaalala ng tao
Pwedeng sikat ka agad pero sino ang tinungtungan
Nang lait ka daw ng iba dun ka ba matatandaan
Napakaraming magaling
Yung tipong nakakaaning
Ganon ba kababaw ang dagat
Nag aagawan na pating
Kailangan pa bang patunayan
Tapos ikaw pang pumuna
Alam mo naman ang daan hayaan mo silang mauna
At sa mga maling gawa
dapat ikaw ay madala
Hindi dahil kayang gawin ay palagi mong ginagawa
Binabanggit ko ito
Nakakatanda ko sayo
Madaming beses ko nang binuksan naka kandadong pinto
Hindi mo pa hawak ang susi heto puwede mong hiramin
Mag aral ka munang makiusap sa harap ng salamin
Pag uunahin ang angas walang makukuhang mabuti
Kahit na gaano katalas
Ay kakalawangin sa putik
Hindi puwedeng ikumpara ang magsasaka sa mga
Kumakain ng kanin at ulam binili sa karinderya
Kasi luto na lahat talop na mga balat
Lulunukin mo nalang di na kailangan kumagat
Pero huwag kang malito
Sa mga naririnig mo
Lahat ng aking nalakaran ay gusto kong marating mo
Hindi naman ito akin ito ay para sa lahat
Mga sinulat mo na awit sarili mo ang pamagat
Lunukin ang mga dura
Baraha na puro buta
Dadalin ka rin sa malayo mga ginawa mong tula
Palagi kang kakamayan
malayo may ngingitian
Masigabong palakpakan
Pagkatapos ikay hihiyawan
Ibulsa mo sa iyong puso
Huwag na huwag dyan sa kukote
Pag dating ng pagsusulit baka lamang mangamote
Gising nang ala sais
Pauwi na nang alas tres
Tuyo nang labada kaya tulog na bago mag alas diyes
Palagi kong sinisipagan
Dahil aking nalalaman
Sarili natin ang pinakamabigat nating kalaban
Teka muna kaibigan
Huwag kang mag padalos-dalos
Dahil di magaan ang lumangoy ng salungat sa agos
Hindi mo maihatid
At tuluyang sumampid
Matayog na saranggolang lumipad kaso lang napatid
Kaya sa makatuwid
Sana’y iyong mabatid
Ang lahat ng nadinig ay simpleng payong kapatid